Tuesday, May 12, 2009

...repeat chorus..

Banda...diyan tayo nagsimula,
Pagkakaibigan nating binuo ng musika.
Iisa ang tono, iisa ang tugma,
Hanggang sa magkasundo sa iisang kanta.

Kantang nagpatatag sa ating pagsasamahan,
Nagkakilanlan ng hindi namamalayan.
Samahang nauwi sa pagmamahalan,
Na dinaan sa musika ang lahat ng nararamdaman.

Masaya tayo habang sabay na tumutugtog,
Patuloy na kumakanta at umiindayog.
Aliw na aliw sa awit na ating binuo,
Salamat sa Diyos at ginawa niya tayong musikero.

Nang walang kamalay-malay....
ay huminto ang tunog,
Tila plakang nasira sa paulit-ulit na pagtugtog.
Ang marimba nati'y hindi na rin mapukpok,
At wala ng marinig ni isang kalabog.

Panandaliang nawalan ng tono ang buhay,
Pati banda'y naapektuhan simula ng tayo'y maghiwalay.
Pinilit kong tumugtog kahit na lagi ng sablay,
At ikaw'y nama'y lumayo at pinili ang ibang bagay.

Ang mundo kapag walang musika ay wala ring kulay,
Parang kalagayan ko noon na laging malumbay.
Hinahanap-hanap ang kanta, kung saan ako nasanay,
At minsang bumuo sa pagkatao kong kulang sa tiyempo ng buhay.

Hindi naglaon...
Naging masaya naman tayo sa piniling sitwasyon,
At tinalikuran ang kantang binuo natin noon.
Kahit na magkabuhul-buhol na ang kamay sa pagbangon,
Pinipilit humawak ng instrumento para lang makaahon.

Ngunit isang araw naulinigan ko muli ang awit...
Kapareho ng tonong kinalimutan kong pilit.
Hindi nga makapaniwala sa aking narinig,
Dahil baka isa lamang na mapalinlang na tinig.

Subalit..totoo nga..
Bumalik ka at humingi ng paumanhin,
At nangakong gagawin ang lahat madugtungan lang ang kantang nabitin.
Patutunayang nagsisi ka na nang minsa'y naging sakim,
at hindi lang ang sariling kaligayahan ang laging iisipin.

Tinanggap kita, dahil iyon ang nararamdaman ko,
At hindi para ipakitang, sa tugtugang ito...
Ako ang magaling...
Ako ang panalo.
Oo, nagalit ako noon at inilihis ang tiyempo sa iyo,
Ngunit tao rin naman akong marunong magpatawad
sa musikerong tinuruan akong magtono.

Sana nga ngayon ay umayos na...
Alam kong para sa iba'y masakit sa tainga ang ginagawa nating kanta.
Tadhana na ang naglapit upang muli nating magawa,
Ang melodiyang magpapabuhay sa pusong dati'y nagparaya.

Ngayon...
Mayroon na muli tayong lirika.
Bumalik na ang indak at magandang pagtipa.
Magkasama tayo ngayon upang ipagpatloy ang naiwang kanta..
at nangakong hindi hahayaang malaos..
hangga't uso pa ang MUSIKA.